Isang retiradong Hukom pinatawan ng parusa ng Korte Suprema dahil sa kabiguan na desisyunan agad ang mga kaso sa sala nito
Bagamat retirado na, pinatawan pa rin ng parusa ng Korte Suprema ang isang hukom dahil sa gross inefficiency at gross ignorance of the law bunsod ng kabiguan na desisyunan agad ang mga kaso sa sala nito.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, binawi ng Korte Suprema ang retirement benefits maliban ang accrued leave credits ni Judge Mario O. Trinidad na nagsilbing presiding judge ng Guihulngan City, Negros Oriental RTC Branch 64 bilang parusa sa paglabag nito.
Bukod dito, diskwalipikado na rin magpakailanman si Trinidad sa alinmang posisyon at trabaho sa pamahalaaan.
Nagretiro si Trinidad noong Enero 19 kaya hindi na ito pwedeng sibakin ng Supreme Court sa serbisyo na pinakamabigat na parusa na pwedeng ipataw.
Nabatid ng judicial audit team mula sa Office of the Court Administrator sa kanilang isinagawang spot audit sa mga kaso sa Guihulngan City RTC Branch 64 na overdue na ang ilang civil case at ang karamihan ng mga kasong submitted for resolution ay nakabinbin pa rin at hindi pa nareresolba ni Trinidad kahit lagpas na reglementary period.
Binigyang bigat ng SC ang imbestigasyon ng OCA na nabigo si Trinidad na makapagbigay ng makatwirang rason para sa delay ng mga desisyon at ang mga court records na nagpapakita sa iregularidad.
Sinabi ng SC na kahit retirado na si Trinidad ay hindi ito hadlang para hindi nito parusahan ang sinumang lumabag sa mga polisiya ng hudikatura.
Paliwanag pa ng SC, nakasaad sa Saligang Batas na dapat maresolba ng mga lower courts ang mga kaso sa loob ng tatlong buwan mula nang ito ay ideklarang submitted for resolution.
Alinsunod din sa mga sirkular, guidelines at polisiya ng hukuman, dapat agarang mapagpasyahan ng mga hukom ang mga kaso.
Moira Encina