Isang tauhan ng PCG patay sa pamamaril sa Sual, Pangasinan
Patay ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard Southern Tagalog District matapos barilin ng hindi pa nakilalang suspek sa Sual, Pangasinan.
Sa CCTV footage mula sa PCG, makikita ang biktima at suspek na nag-usap.
Pagkatapos ay makikita ang biktima na papalapit sa isang motorsiklo habang nakasunod naman ang suspek at binaril ang biktima.
Kinilala ng PCG ang biktima na si CG Apprentice Seaman Angelo Martinez, 23 anyos, at nakatalaga sa PCG District Southern Tagalog.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armando Balilo, batay sa report mula sa Philippine National Police, nakikipag-usap umano ang biktima sa hindi pa nakilalang suspek ng bigla itong barilin sa bibig.
May nakakita lang umanong isang concerned citizen sa katawan ng biktima na nakabulagta sa tabi ng motorsiklo nito na agad namang nagreport sa pulisya.
Agad itong isinugod sa pagamutan pero idineklarang Dead on Arrival.
Patuloy naman ang hot pursuit operation ng PNP para sa agarang ikadarakip ng suspek.
Nagsasagawa narin ng imbestigasyon ang PCG sa insidente.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang PCG sa pamilya ni Martinez na isang mabuting tauhan ng coastguard at isang anak na isinasantabi ang sarili para sa pamilya.
Madz Moratillo