Isinusulong na No Election sa 2019 ni House Speaker Pantaleon Alvarez, walang basbas ni Pangulong Duterte
Tiniyak ng Malakanyang na walang basbas mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez na No Election o No El sa 2019.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na matutuloy ang Midterm Elections sa 2019 alinsunod sa mga pahayag ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Roque ang makakahadlang lamang sa pagdaraos ng halalan sa susunod na taon ay kung mapagtitibay na ang panukalang Federal Constitution bago ang halalan sa 2019.
Inihayag ni Roque na hangga’t umiiral ang 1987 Constitution walang dahilan para hindi magdaos ng halalan sa susunod na taon.
Niliwanag ni Roque na ang Pangulo ay tagapagpatupad ng batas kaya kung ano ang isinasaad ng Saligang Batas ay matutupad partikular ang pagsasagawa ng Midterm elections sa 2019.
Ulat ni Vic Somintac