Isla sa Indonesia, niyanig ng 5.4-magnitude na lindol
Isang malalim na 5.4-magnitude na lindol ang tumama sa eastern Indonesian island ng Timor, ngunit wala namang naiulat na pinsala o casualties.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), ang lindol ay may lalim na humigit-kumulang 54.6 kilometro sa hilagang-kanluran ng Timor island malapit sa siyudad ng Kupang.
Malakas iyong naramdaman sa Kupang city sa Timor, isang isla na nahahati sa pagitan ng Indonesian territory sa kanluran at sovereign state ng East Timor sa silangan.
Wala namang napaulat na pinsala o casualties, bagama’t batay sa kuwento ng mga residente, naramdaman nila ang pag-ugoy ng kanilang bahay sanhi upang magtakbuhan sila sa labas.
Sinabi naman ng isang mamamahayag sa Kupang, na ang pagyanig ay tumagal ng humigit-kumulang isang minuto.
Una namang nagbigay ng mas mataas na magnitude 6.1 ang geophysics agency ng bansa, bago ito ibinaba sa 5.9.
Ang Indonesia ay malimit makaranas ng mga paglindol dahil sa posisyon nito sa Pacific “Ring of Fire,” isang arko ng intense seismic activity na umaabot mula Japan hanggang Southeast Asia at sa buong Pacific basin.
Noong Nobyembre, isang 5.6-magnitude na lindol ang tumama sa mataong West Java province sa main island ng Java, na ikinasawi ng 602 katao.