Israel, humingi na ng tulong sa ibang mga bansa para apulahin ang forest fires
JERUSALEM (AFP) – Humingi na ng tulong sa ibang bansa ang gobyerno ng Israel, bunsod ng forest fires sa kanluran ng Jerusalem na nasa ikalawang araw na ngayon at dahilan ng paglikas ng limang komunidad sa lugar.
Ayon kay Foreign Minister Yair Lapid . . . “The Greek foreign minister already said he will help as much as possible.”
Sinabi naman ni Foreign Ministry spokesman Lior Haiat, na ang Greece at Cyprus ay magpapadala ng firefighting planes sa Israel at kinokontak na rin nila ang Italy, France at iba pang mga bansa.
Pahayag naman ni National Fire and Rescue Commissioner Dedi Simchi, halos 20 libong dunams o dalawang libong ektarya na ang nasunog sa loob ng 2 araw.
Ang sunog ay nagsimula sa magubat na burol sa kanluran ng Jerusalem noong Linggo.
Nagawa namang kontrolin ng mga bumbero ang apoy, subalit muli itong lumagablab noong Lunes ng hapon dahil sa malakas na hangin.
Ayon kay Simchi, ang naturang sunog ay gaya ng nangyari sa northern Israel noong 2010, kung saan 2,400 ektaryang lupain ang nilamon ng apoy.
Dagdag pa ni Simchi . . . “Yesterday there was no lightning in Israel. The fire broke out as a result of human activity. If it was neglect, if it was recklessness, if it was intentional, if it was arson, we don’t know.”
Agence France-Presse