Israel tiniyak na patuloy na tutulungan ang Pilipinas sa paglaban sa COVID-19

Patuloy na makikipagtulungan ang Israel sa gobyerno ng Pilipinas sa laban nito sa COVID-19.

Ito ang tiniyak ni Israel Embassy Chargé d’Affaires Nir Balzam sa pagtatapos ng limang araw na pagbisita ng ikalawang batch ng Israeli health delegation sa Pilipinas.

Courtesy: Israel Embassy

Ayon kay Balzam, ipagpapatuloy ng Israel “on a normal basis” ang kolaborasyon sa pamahalaan ng Pilipinas.

Ibinahagi ng ikalawang delegasyon ng Israeli experts ang best practices nila sa infection control protocol at hospital management upang mapagbuti ng Pilipinas ang COVID-19 response nito.

Courtesy: Israel Embassy

Ang halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng “national daily health team evaluation” kung saan pinupulong ang mga health professionals mula sa iba’t ibang sangay para talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng kanilang health care system.
 
Ayon pa sa mga eksperto, importante rin ang paglatag ng mga prayoridad para sa immediate action sa short at long-term healthcare system ukol sa COVID-19.

Courtesy: Israel Embassy

Tinukoy din ng pinuno ng delegasyon at infectious diseases and COVID-19 specialist Dr. Guy Choshen ang mga factors na dapat ikonsidera sa paggamot sa mga pasyente na may COVID.

Ilan dito ang implementasyon ng standard health care sa DOH medical centers; pagpapatupad ng discharge guidelines ng pasyente; pagpayag na mabisita ang pasyente ng pamilya nito sa ospital ; at ang implementasyon ng critical patients’ restrictions at infection control measures.

Binigyan-diin din ng doktor ang kahalagahan ng pagpapaigting sa COVID vaccination para maibsan ang pandemya.

Courtesy: Israel Embassy

Binisita rin ng mga dayuhan ang ilang ospital at medical facilities sa Metro Manila para obserbahan ang kanilang operasyon at magbigay ng rekomendasyon kung papaano mapagbubuti ang kanilang sistema at procedures.

Moira Encina

Please follow and like us: