Israeli army, nangangamba para sa binihag na sanggol kasama ng kaniyang ina at kapatid
Naglabas ang militar ng Israel ng bagong mga larawan at nagpahayag ng pag-aalala tungkol sa isang ina at dalawa niyang anak na lalaki, na ang isa ay sanggol pa na siyang pinakabatang bihag ng Palestinian militants sa Gaza.
Inanunsiyo ng Hamas noong Nobyembre, na ang mag-iina ay napatay sa pambobomba ng Israel, ngunit hindi ito kinumpirma ng Israeli authorities.
Sinabi ni Army spokesman Daniel Hagari, na “nag-aalala sila sa kalagayan” ni Shiri Bibas, na nakita sa isang street camera sa southern Gaza city ng Khan Yunis na napaliligiran ng pitong armadong mga lalaki.
Ayon pa kay Hagari, si Kfir Bibas ang pinakabatang Israeli hostage na kinuha mula sa kaniyang crib sa komunidad ng Nir Oz, noong halos wala pa siyang siyam na buwan habang ang kaniya namang kapatid na si Ariel ay apat na taon lamang.
Sakaling buhay pa, si Kfir Bibas ay nag-isang taon na noong Enero 18.
Sa isang pahayag, ang mga litrato ay inilarawan ng iba pang miyembro ng Bibas family na “unbearable and inhumane” at tinawag ang pagdukot sa mga bata na isang “a crime against humanity and a war crime”.
Sinabi pa nila, “Ariel and Kfir are victims of monstrous evil. Our whole family has become hostages along with all the hostages.”
Nangako si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, na ang mga kidnapper ng mga sanggol at mga ina ay parurusahan.
Ayon naman sa militant allies ng Hamas na sangkot sa kidnapping, na ang tatlo ay ligtas at maayos namang tinatrato sa loob ng 20 araw na sila ay bihag, ngunit napatay sila sa isang Israeli air strike.
Dagdag pa nila sa kanilang pahayag, “Netanyahu and his government were responsible and were ‘deliberately’ targeting hostages.”
Ang tatay ng mga bata na si Yarden Bibas, na binihag din sa pag-atake ng Hamas militants noong October 7, ay nakita rin sa isang video.
Batay sa Israeli figures, ang Nir Oz sa southern Israel ang lugar kung saan naganap ang pinakamadugong pag-atake noong Oktubre 7, na naging sanhi ng pagkamatay ng 1,160 katao na karamihan ay mga sibilyan.
Ayon sa Israel, mahigit sa 250 katao ang binihag, kabilang ang mahigit sa 75 mula a Nir Oz. 130 hostages ang nasa Gaza pa rin ngunit ang 30 ay pinaniniwalaang patay na.
Ang mga larawang kinunan ng Hamas noong Oktubre 7 ng isang takot na takot na si Shiri Bibas kasama ang kanyang dalawang anak sa kanyang mga bisig, ang naging mga larawan ng hostage crisis para sa mga Israeli.