Israeli FM bibisita sa Turkey sa harap ng banta ng pag-atake ng Iran
Bibisita sa Turkey sa susunod na linggo, si Israeli Foreign Minister (FM) Yair Lapid, ilang araw matapos niyang himukin ang mga Israeli na umalis na doon sa harap ng mga banta ng pag-atake ng Iranian operatives.
Ang anunsiyo ay ginawa nitong Linggo, matapos mag-usap sa telepono ni Israeli President Isaac Herzog at kaniyang Tirkish counterpart na si Tayyip Erdogan, kung saan pinasalamatan ni Herzog si Erdogan sa pagsisikap nitong pigilan ang terrorist activities sa Turkey.
Ayon sa pahayag mula sa tanggapan ng FM . . . “President Herzog emphasized that the threat has not yet passed and that the counterterror efforts must continue.”
Si Lapid ay bibisita sa Turkey sa Huwebes para makipagkita sa kaniyang counterpart na si Mevlut Cavusoglu.
Nitong Lunes, ay hinimok ni Lapid ang mga Israeli sa Turkey na agad nang umalis doon dahil nahaharap sila sa panganib mula sa Iranian agents.
Binanggit ng FM ang ilang pagtatangka ng Iran na magsagawa ng terror attacks laban sa mga Israeli na nagbabakasyon sa Istanbul.
Sa kaniyang babala ay sinabi nito sa mga Israeli na kung ang mga ito nasa Istanbul ay agad nang bumalik sa Israel, at kung may plano namang magtungo roon ay huwag nang ituloy.
Ang mahigpit na babala ay sa harap na rin ng pinakabagong pag-usbong ng mga tensiyon sa pagitan ng magkalabang Iran at Israel, kung saan sinisisi ng Tehran ang Jewish state para sa isang serye ng mga pag-atake sa kanilang nuclear at military infrastructure, sa loob ng Iran at maging sa loob ng Syria.
Nitong nakalipas na mga linggo, may ilang pag-uulat ang Israeli media na nagsasabing may mga planong atakihin ang Israeli citizens na nasa Turkey.
Noong nakaraang Lunes ay napaulat na binalak dukutin ng Iranian operatives ang mga Israeli sa Turkey isang linggo na ang nakalilipas, ngunit ang plano ay hindi natuloy matapos alertuhin ng Israel ang Ankara.
© Agence France-Presse