Israeli health experts ibinahagi sa Pilipinas ang kanilang best practices sa cold chain at logistics systems at data management sa COVID-19 vaccine rollout
Sinimulan na ng tatlong Israeli medical experts na ibahagi sa COVID-19 task force officials at iba pang miyembro ng medical community at pribadong sektor sa bansa ang kanilang mga karanasan at istratehiya sa matagumpay na vaccine rollout sa Israel.
Isa sa mga tinalakay ng Israel delegation ay ang best practices ng kanilang bansa sa cold chain at logistics systems.
Pinayuhan ng mga dayuhang eksperto ang gobyerno na dahil arkipelago ang Pilipinas ay lumikha ng centralized hubs para sa vaccine storage para sa metropolitan areas at iba pang pangunahing lungsod sa buong bansa.
Iminungkahi rin ng delegasyon ang pagbuo ng storage hubs para sa mga anti-COVID vaccines na idideploy sa mga liblib na lugar.
Samantala, tinalakay din sa learning session sa pagitan ng Israeli team at NTF ang ukol sa epektibong COVID-19 vaccination data management.
Inihayag ng mga opisyal mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kasalukuyang istratehiya ng Pilipinas sa management ng vaccines deployment data.
Ipinaliwanag naman ng Israeli delegation kung paano binuo at pinangasiwaan ng kanilang pamahalaan ang vaccination data system ng Israel.
Ayon sa kanila, gumamit ang Israel government ng data-based approach sa pagbuo ng desisyon kaugnay sa vaccination program.
Nagpasalamat naman ang NTF sa Israeli team sa pagbahagi ng kanilang mga kaalaman at karanasan upang mapagbuti ang COVID vaccination program ng Pilipinas.
Sinabi pa ng NTF na ang best practices at strategies ng Israel ay magagamit ng bansa lalo na’t pinaghahandaan nito ang pagdating ng 40 milyong Pfizer vaccines.
Moira Encina