Isyu ng climate change , tinalakay ni Pangulong Duterte sa 76th UN general assembly virtual meeting
Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang matinding trahedyang magaganap sa buong mundo kapag nabigong aksyunan ng mga bansa ang isyu ng climate change.
Sa kanyang talumpati sa 76th United Nations General Assembly virtual meeting binanggit ng Pangulo na naabot na ng mundo ang rurok ng panganib at kritikal na sitwasyon na kapag nabigong aksyunan ay magri-resulta sa matinding trahedya sa sangkatauhan sa mga susunod na taon.
Sinabi ng Pangulo na nagsumite na ang Pilipinas sa UN General Assembly ng mga plano batay sa pag-aaral ng mga eksperto para mapigilan ang patuloy na epekto ng climate change sa buong mundo.
Ayon sa Pangulo tinatanggap ng Pilipinas ang bahagi ng responsibilidad na mapigilan ang ibayo pang pagtindi ng epekto ng climate change.
Inihayag ng Pangulo sa panig ng Pilipinas nagpalabas na siya ng moratorium sa pagpapatayo ng mga bagong coal fired power plants.
Idinagdag pa ng Pangulo na ipinag-utos na rin niya na pag-aralan ang posibleng paggamit ng nuclear energy sa Pilipinaspara mabawasan ang greenhouse gas emissions ng 75% pagsapit ng taong 2030.
Niliwanag ng Pangulo ang ambag na ito ng Pilipinas ay mawawalan ng saysay kung ang mga mayayamang bansa na pangunahing lulumikha ng polusyon ay magpapatuloy sa kanilang ginagawa na nagpapalala sa climate change.
Binigyang diin ng Pangulo na ang pagbabago ng klima ay naglagay sa panganib sa maraming bansa sa buong mundo at maituturing na kawalang hustisya dahil kung sino pa ang kakarampot ang ambag sa pagkawasak ng kalikasan ay sila pang biktima ngayon at nagdurusa sa epekto ng climate change.
Dahil dito umapela ang Pangulo sa mga mauunlad na bansa na aksyunan ang problemang ito sa pamamagitan ng commitment sa climate financing, technology transfer, at capacity building sa mga umuunlad pa lamang na mga bansa.
Vic Somintac