Isyu ng kahirapan at Unemployment dapat umanong unahin ng Gobyerno sa halip na isulong ang ChaCha

Dapat  magsilbing wake up call sa mga proponents ng panukalang amyenda sa Saligang Batas ang resulta ng Pulse Asia Survey na nagsabing mayorya ng mga Pinoy ang ayaw sa Charter Change.

Ayon kay Senate Minority leader Franklin Drilon, hindi dapat ang ChaCha o term extension ang gawing priority agenda ng administrasyon kundi ang mga panukalang batas na tutugon sa tunay na problema ng mga Filipino gaya ng kahirapan at kawalan ng trabaho.

Kabilang na rito ang panukalang end of contract o labor only contracting, at pagpapalawak ng health at social protection.

Aminado naman si Senador Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments na mahihirapang makakuha ng sapat na suporta ang panukala.

Batay aniya sa kanilang ginawang mga public hearing at konsultasyon sa panukalang Chacha, hindi kumbinsido ang publiko na magsagawa ng pagbabago sa kasalukuyang sistema ng gobyerno.

Bago tuluyang lumusot ang Chacha, kinakailangan ang three fourth votes sa Senado o katumbas ng 18 boto.

Pero sa kasalukuyan, 17 lamang ang Senador na miyembro ng Majority block.

Senador Pangilinan:

“Parang alam din ng mga mamamayan na pinupuwersa ang Federalism ng DILG  sa mga lokal na komunidad para alisan sila ng karapatang pumili ng mga kandidato sa 2019 eleksyon, ang pinakamalinaw na sinasabi ng ating mga mamamayan ay hindi sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa kasalukuyang Saligang Batas. Dahil dito, hindi sila makabuo ng maayos na pasya tungkol sa Cha-cha dahil hindi malinaw sa kanila kung ano ba ito”.

 

Ulat ni Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *