kampo ni de Lima nanindigang hindi nameke ng notaryo publiko
Nanindigan ang kampo ni Senadora Leila de Lima na walang factual na basehan ang paratang ng Office of the Solicitor General na depektibo ang pagkaka notaryo sa inihain nilang petisyon kaugnay sa pagkuwestyon ng kampo ng Senadora sa pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon sa press statement ng kampo ni de Lima, nakipagkita siya sa notaryo publiko sa Kampo Crame para lagdaan at panumpaan ang nasabing petisyon noong araw na dinala siya sa PNP Custodial Center.
Iginiit ng kampo ng nakakulong na Senadora na desperado na ang Office of Solicitor General dahil sa palagian nitong inaatake ang teknikalidad ng reklamo sa halip ang merito nito.
Nauna nang sinabi ng Office of the Solicitor General na imposibleng makapanumpa sa notaryo ang mambabatas dahil meron silang patunay na walang notary public na nagpunta sa PNP Custodial Center noong February 24 batay sa record ng Camp Crame.
Ulat ni: Moira Encina