Isyu ni Cong. Teves posibleng talakayin ni PBBM at Timor Leste PM
Posibleng pag-usapan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Timor Leste Prime Minister Taur Matan Ruak ang usapin kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr.
Magsasagawa ng bilateral talks ang dalawang lider sa Indonesia sa sidelines ng isinasagawang 42nd ASEAN Summit kung saan dumalo ang Timor Leste bilang observer.
Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez, hindi lang posible kundi malamang mabuksan ang isyu ngunit hindi tiyak ng Speaker kung hihilingin ni Pangulong Marcos na i-“produce” ng Timor Leste si Teves.
Humihiling ng political asylum ang suspendidong kongresista sa Timor Leste batay sa impormasyong nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ngunit ibinasura ng Timor Leste ang asylum request ni Teves at binigyan ng limang araw para lisanin ang bansa.
Paglilinaw ni Romualdez hindi nag-impose ng ultimatum si Pangulong Marcos kay Teves dahil nais nitong masunod ang proseso ng batas.
Kaya ang payo ng Speaker kay Teves ay magkusa na itong magpasya na umuwi ng bansa at harapin ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Una nang nagbabala si Romualdez na ang patuloy na pagtatago ni Teves sa ibang bansa ay maaaring magresulta sa karagdagang sanctions sa kaniya ng Kamara.
Weng dela Fuente