Mayor Abby Binay napuna dahil sa patuloy na pagbanat sa isyu ng paglilipat ng 14 public school sa Taguig

Muling binanggit ni Makati Mayor Abby Binay ang isyu sa naging paglipat ng 14 na paaralan mula sa Makati City tungo sa Taguig City.
Una rito, nalutas na ang sigalot sa isyu na ito sa pamamagitan ng nilagdaang memorandum of agreement (MOA) sa Department of Education (DepEd), Makati Mayor Abby Binay at Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Layon ng nasabing MOA na maging maayos ang transition sa mga nasabing paaralan.
Nag-ugat ito sa desisyon ng Korte Suprema na ang 10 EMBO Barangay na kinatatayuan ng 14 na paaralan na nasa Makati City ay sakop ng hurisdiksiyon ng Taguig City.
Sa kampanya ni Binay sa CEMBO, na sakop na Taguig City, muli nyang inungkat nito ang isyu.
“Kaya iyong sa eskuwelahan, wala naman akong choice, doon nag-aaral mga anak nyo kung ipapasara ko alam nyo ba doon sa kahit singkong duling, wala pa silang binabayad, ginagamit nila ung eskuwelahan nang libre. Nagpapasalamat ba sila, diba hindi, sinisiraan pa nga ako eh, mas lalo akong gumaganda kapag sinisiraan nila ako, di ba,” bahagi ng pahayag ni Binay.
Sinabi pa ng alkalde na isa ang isyu sa dahilan ng kanyang pagtakbo dahil dadalhin nya ang laban rito sa Senado.
Matatandaan na una ng inihayag ni noo’y DepEd spokesperson Michael Poa na sumailalim sa “orderly transition” ang apektadong paaralan base sa MOA na nilagdaan kagawaran kasama sina Binay, at Cayetano.
Kabilang sa 14 pampublikong paaralan na nasa hurisdiksiyon ng Taguig-Pateros ang
Makati Science High School, Fort Bonifacio High School, Benigno S. Aquino High School, Tibagan High School, Pitogo High School, Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Fort Bonifacio Elementary School, Pitogo Elementary School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School.
Matatandaang dahil sa isyu nadamay maging health centers ng mga nasabing EMBO barangays na ipinasara.
Dahil rito, nagbukas ang Taguig ng telemedicine facility nito at tinukoy ang ilang health center ng lungsod bilang catchment centers para sa pasyente ng EMBO barangay na nangangailangan ng agarang tulong-medikal.
Madelyn Moratillo