Itik For Life
Isang magandang hanapbuhay ang pag-aalaga ng itik lalo na nga kung ikaw ay naninirahan sa lalawigan.
Masaya sa pakiramdam na ang alagang itik ay mangitlog dahil bukod sa ito ay makakain mo, maaari mo pa itong pagkakitaan.
Mayroong iba’t ibang lahi ng itik dito sa Pilipinas.
Ang ilang kababayan natin, nag-aalaga ng itik upang gawing karne.
Meron din namang uri ng itik na laging nangingitlog at ito ang mas kilala sa ating bansa. Sa mga nakalipas na panahon, ang pag-aalaga ng itik ay nakasentro lamang sa lalawigan ng Laguna. Sa ngayon, matatagpuan ang maraming nag-aalaga ng itik at balutan sa Bulacan, Pampanga at Bataan.
Ang pangunahing kulay ng mga itik sa bansa ay itim, abo at batik batik.
Kaugnay nito, pinondohan ng Department of Science and Technology o DOST ang ITIK for LIFE program, ito ang “Industry-focused Technologies, Innovation and Knowledge for Livelihood, Income, and Food supply Enhancement (ITIK for LIFE).” Habang ang proyektong Duck Egg and Meat Products Processing Innovations ay pinopondohan naman ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology o DOST-PCAARRD.
Ayon kay Dr. Lotis E. Mopera, Director, Institute of Food Science and Technology College of Agriculture and Food Sciences, University of the Philippines, Los Banos, Laguna o UPLB.
Ang proyektong ito ay may layuning pahabain ang shelf life o ang buhay ng mga produktong hango sa genetically improved Philippine mallard duck na tinatawag nga na itikPINAS.
Partikular na tinutukan ang karne ng itikPINAS at itlog nito na ginagawang balut, itlog na maalat, at pinulbos na itlog na maalat. May mga pag-aaral kung paano naapektuhan ang pagpo-proseso sa lasa, itsura, at amoy ng produkto.
Samantala, natukoy ng proyekto ang pinakamainam na temperatura sa pag-iimbak ng balut pati ng itlog na maalat para mapahaba ang shelf life sa pamamagitan ng isang film preservative.
Natukoy din kung paano makagagawa ng pinulbos na itlog na maalat sa pamamagitan ng dalawang pamamaraan. Sa balut, pinakainam na temperatura ng pag-imbak ng balut ay 4 degrees Celsius. Sa temperaturang ito maaaring tumagal ang balut ng 12 na araw. Habang sa itlog na maalat naman, may teknolohiya na ginagamit upang mapahaba ang shell life nito.
Sinasabing mas mataas ang posibilidad ng kontaminasyon sa paggawa ng itlog na maalat sa pamamagitan ng clay salt solution na pwedeng makaapekto sa pagka-panis ng produkto o pagkawala ng moisture sa loob ng itlog na maalat.
Naisipan ng UPLB na magkaroon ng isang film preservative na maaaring ilagay sa shell ng pinrosesong itlog na maalat na gawa sa cassava starch at potassium sorbate na ligtas at hindi nakasasama sa kalusugan ng tao. Hinaharang ng film preservative ang micro organisms na papasok sa loob ng egg shell. Sa pamamagitan nito, nababawasan ang kontaminasyon at pagkawala ng moisture sa loob ng itlog na maalat.
Sa paggamit nito, tumatagal ng hanggang 12 na linggo ang shelf life ng itlog na maalat, 5 linggong mas matagal kaysa sa karaniwang limang linggong shelf life nito.
Mga mahilig kumain ng itlog na maalat o salted egg, alam ba ninyo na dahil sa technology ay nagagawa na itong powder?
Ang mga komersyal na pinulbos na itlog na maalat o salted egg powder ay karaniwang mula sa itlog ng manok at hindi itlog ng itik. Dahil sa proyektong ito gumawa ng pinulbos na itlog na maalat sa pamamagitan ng dalawang proseso: ito ang cabinet drying o convective hot air drying at spray drying.
Mas malinamnam at mas maraming nutrients ang itlog ng itik kaya naman ang salted duck egg powder ay mas mataas ang kalidad kaysa sa salted chicken egg powder. Ang salted duck egg powder na ginawa sa pamamagitan ng cabinet drying ay mas maitim ang kulay at mas magaspang.
Maari itong gamitin ng mga negosyong may maliit lang ang produksiyon.
Samantala, ang spray drying ay nakagagawa ng powder na mas maputi ang produkto at mas pino. Spray drying ang karaniwang paraan ng paggawa ng salted egg powder.
Maaari itong gamitin ng mga negosyong may produksyon na katamtaman hanggang sa large-scale. Sa shelf life naman ng salted duck egg powder, maaari itong tumagal ng limang buwan sa room temperature o 30 hanggang 35 degrees Celsius.
So, guys, ano pang hinihintay natin, tara na at mag ITIK FOR LIFE NA…para buhay ay maging sagana sa gitna ng pandemya.