Ja Morant, sinuspinde ng Grizzlies matapos lumabas sa social media ang isang video na may hawak itong baril
Ja Morant #12 of the Memphis Grizzlies leaves the court after Game Six of the Western Conference First Round Playoffs against the Los Angeles Lakers at Crypto.com Arena on April 28, 2023 in Los Angeles, California. The Lakers defeated the Grizzlies 125-85 and advance to the second round. Ronald Martinez/Getty Images/AFP
Sinuspinde nitong Linggo ng Memphis Grizzlies si Ja Morant sa lahat ng aktibidad ng koponan, habang nakabinbin ang pagsusuri ng NBA matapos lumabas sa social media ang isang bagong video na nagpapakita dito na may dalang baril.
Sa pahayag ng Grizzlies, “We are aware of the social media video involving Ja Morant. He is suspended from all team activities pending League review. We have no further comment at this time.”
Ang hakbang ay ginawa dalawang buwan makaraang suspendihin ng NBA si Morant ng walong laro dahil sa pag-uugaling nakapipinsala sa liga, matapos siyang mag-stream ng video ng kanyang sarili na may hawak na baril habang lasing sa isang nightclub.
Noong Sabado, sa isang sesyon sa Instagram Live sa account ng kaibigan ni Morant na si Davonte Pack, lumitaw na nagpakita ng baril si Morant habang nakasakay sa passenger seat ng isang kotse at kumakanta ng isang rap song.
Kalaunan, ang nasabing video ay binura na.
Sinabi ni NBA spokesperson Mike Bass, “We are aware of the social media post involving Ja Morant and are in the process of gathering more information.”
Pagkaraan ng kaniyang suspensiyon noong Marso, sinabi sa mga mamamahayag ng 23-anyos na si Morant na sumailalim siya sa therapy upang tulungan siya sa pagma-manage ng kaniyang stress, at inilarawan ang trestment bilang isang “nagpapatuloy na proseso.”
Tinawag ni NBA commissioner Adam Silver ang kilos ni Morant noon na “irresponsible, reckless and potentially very dangerous,” habang sinabi naman ni Morant na ikinalulungkot niya na naging distraction siya sa koponan sa kanilang “final push” sa playoffs.
Ayon kay Morant, “I’ve made mistakes in the past that cause a lot of negative attention — not only to me, but my family as well, my team, the organization. I’m completely sorry for that. My job now is to be more responsible, more smarter, and don’t cause any of that no more.”
Matapos ma-eliminate ng Los Angeles Lakers ang Grizzlies sa unang round ng playoffs, ay sinabi ni Morant na kailangan niyang maging mas disiplinado.
Aniya, “I’ve just got to be better with my decision-making. That’s pretty much it. Off-the-court issues affected us as an organization pretty much. Just (need) more discipline.”
Ang 2020 NBA Rookie of the Year na si Morant, ay nasangkot sa isang serye ng off-court incidents ngayong season.
Ang basketbolista ay idinemanda ng isang estudyante sa high school, kung saan inakusahan nito si Morant ng panununtok sa kaniya sa isang pickup basketball game sa bahay nito sa Tennessee noong Hulyo 2022.
Sinabi ng agent ni Morant na siya ay kumilos lamang bilang pagtatanggol sa sarili, at walang mga kasong nagresulta mula sa insidente.
Ilang araw bago ito, sinabi sa pulisya ng pinuno ng seguridad sa isang mall sa Memphis na nakaramdam siya ng “pagbabanta” mula kay Morant at sa isang grupo ng kanyang mga kasama pagkatapos ng isang insidente sa paradahan ng shopping center.
Si Morant ay naging laman din ng headlines noong Pebrero nang imbestigahan ng NBA ang mga alegasyon ng Indiana Pacers, na “agresibong kinompronta” ng entourage ni Morant ang mga miyembro ng kanilang traveling party, at posibleng tinutukan pa ito ng red laser pagkatapos ng isang laro sa Memphis.