Jad Dera posibleng naka-impluwensya sa kaso ng ibang NBI detainees – DOJ
Maaari umanong naimpluwensyahan ng akusadong si Jad Dera ang kaso ng ibang detainees sa loob ng NBI detention center.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, matapos madiskubre ang paglabas-masok ni Dera sa piitan ng NBI nang walang court order ay natuklasan din ang iba’t ibang mga gawain nito sa loob ng kulungan.
Isa na aniya rito ang posibilidad na nakaka-impluwensya si Dera sa imbestigasyon sa ibang NBI detainees lalo na at tumatayong mayor si Dera doon.
Aniya, kung mayor si Dera sa NBI detention ay nangangahulugang ito ang hari sa nasabing lugar
Sinabi ni Remulla na sa ngayon ay iniimbestigahan pa ito ng mga otoridad.
Hindi naman inaalis ng DOJ ang posibilidad na may papel si Dera sa pag-urong ng Degamo suspects.
Una nang inilipat kamakailan si Dera sa Muntinlupa City Jail mula sa NBI detention matapos ang commitment order galing sa korte.
Moira Encina