Jamie Foxx, nakalabas na ng ospital
Sinabi ng anak na babae at publicist ng Oscar-winning US actor na si Jamie Foxx, na nakalabas na ito ng ospital at nagpapagaling na mula sa isang ‘unspecified medical emergency.’
Noong isang buwan, ang 55-anyos na aktor ay isinugod sa isang medical facility sa estado ng Georgia, kung saan siya nagso-shoot ng isang Netflix movie nang mga panahong iyon.
Mula noon ay walang lumabas na mga detalye tungkol sa kaniyang medical condition, na nagresulta sa pag-aakala ng ilan na maaaring malubha ang lagay ng bituin ng “Django Unchained.”
Subalit ayon sa Instagram post ng anak na babae ni Foxx na si Corinne Foxx, “Sad to see how the media runs wild. My Dad has been out of the hospital for weeks, recuperating. In fact, he was playing pickleball yesterday!”
Kinumpirma rin ito ng publicist ng aktor, ngunit hindi na nagbigay ng dagdag pang detalye.
Si Foxx, isang aktor, comedian at Grammy-winning singer, ay nagwagi ng isang Academy Award noong 2005 para sa Ray Charles musical biopic na “Ray,” at nominado rin sa Oscar para sa “Collateral” sa kaparehong taon.
Kinukunan sa Georgia ang pelikulang “Back in Action,” kung saan kasama niya si Cameron Diaz, nang maganap ang emergency.
Sa una niyang post noong April 12, ay sinabi ni Corinne Foxx, “My father had ‘experienced a medical complication’ but ‘due to quick action and great care’ he is already on his way to recovery.”
Si Foxx mismo ay nagpost ng mensahe sa social media noong isang linggo, kung saan nakasaad, “Appreciate all the love!!! Feeling blessed.”
© Agence France-Presse