Janet Napoles desperado nang makalaya ayon kay Sen. de Lima
Pumalag si Senadora Leila de Lima sa akusasyon ni Janet Lim Napoles na nanghingi sya ng ₱50M para ibasura ang serious illegal detention case na isinampa ni Benhur Luy.
Sa isang statement, iginiit ni de Lima na hindi dapat paniwalaan si Napoles dahil ito ay isang polluted source at isang convicted criminal na gagawin ang lahat para makalabas ng kulungan.
Ayon kay de Lima, natural na kay Napoles ang magsinungaling bilang mastermind ng pork barrel scam na nagpadaloy ng bilyun- bilyong pisong public funds sa bulsa ng ilang mambabatas at opisyal ng Malakanyang.
Binigyang diin pa ni de Lima na kahit kelan ay hindi magiging credible witness si Napoles dahil palaging imbento ang mga testimonya nito at nagdadawit ng mga politiko para sa ikakatuwa ng kanyang mga handlers sa pamahalaan.
Bunsod nito, sinabi ni de Lima na hindi na niya ikakagulat kung magsasalita si Napoles ngayon ng naayon sa kagustuhan ng mga handlers niya kapalit ng kanyang kalayaan na ipinagako ng kasalukuyang Solicitor General.
Ulat ni: Mean Corvera