Janet Yang, hinirang ng Oscars group bilang bagong pangulo
Inanunsiyo ng grupong nasa likod ng Oscars, na hinirang ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences ang film producer na si Janet Yang bilang bagong pangulo.
Si Yang, na kilala sa kaniyang hits gaya ng “The Joy Luck Club” at “The People vs. Larry Flynt,” ang ika-apat na babaeng nahirang para patakbuhin ang pinaka-elite group ng filmmakers ng Hollywood, at siya ring kauna-unahan na may Asian origin.
Ang Academy ang bumuboto para sa mga mananalo sa Oscars kada taon.
Sa isang pahayag, partikular na pinuri ng Academy CEO na si Bill Kramer ang trabaho ni Yang sa “membership recruitment, governance, equity, diversity, and inclusion” at iba pa.
Ayon kay Kramer . . . “I am thrilled that she is taking on the esteemed role of Academy President and look forward to working closely with her on our shared vision to serve our membership, celebrate the collaborative arts and sciences of motion pictures, and inspire the next generation of filmmakers.”
Ang akademya ay naharap sa maraming mga kontrobersiya sa nakalipas na mga taon, kabilang na ang mga akusasyon ng kakulangan nito ng “racial diversity.”
Pinaka kapansin-pansin dito ay ang inaning batikos ng grupo dahil sa kakulangan ng Black Oscar nominees sa panahon ng #OscarsSoWhite movement, noong 2015.
Mula noon ay tinupad na nito ang pangakong dodoblehin ang bilang ng mga kababaihan at miyembro ng minorya sa 2020, at pinalawak ang kabuuang miyembro mula sa humigit-kumulang 6,000 hanggang sa halos 10,000 .
Humigit-kumulang sa 19 porsiyento ng mga miyembro ng akademya ngayon ay mula sa “underrepresented ethnic and racial communities.”