Japan, binuksan nang muli sa mga turista
Muli nang binuksan ng Japan ang kanilang pintuan para sa mga turista, matapos ang dalawa at kalahating taon ng mahigpit na COVID-19 restrictions, na inaasahan ng mga opisyal na magpapasigla sa kanilang ekonomiya.
Matatandaan na isinara ng Japan ang kanilang borders sa unang panahon ng paglitaw ng pandemya, at dumating pa ang puntong kahit ang foreign residents ay hindi pinayagang bumalik, kamakailan lamang sila maingat na unti-unting muling nagbukas.
Noong Hunyo, sinimulan nitong payagan ang mga turista na bumisita ng grupo-grupo kasama ng guides, isang requirement na kalaunan ay pinagaan na rin kung saan pinayagan na ang self-guided package tours.
Simula ngayong Martes, ibinalik na ang visa-free entry para sa mga biyahero mula sa 68 mga bansa at teritoryo, inalis na rin ang limitasyon sa bilang ng arrivals at tinapos na ang package tour requirement.
Gayunman, pinamalagi nito ang ilang mga patakaran, kung saan kailangan pa ring magprisinta ng mga turista ng kanilang proof of vaccination o kaya naman ay negative coronavirus test na kinuha tatlong araw bago ang kanilang departure.
Pinamalagi rin ang pagsusuot ng mask, bagama’t hindi ipinag-uutos ng batas, nakatakdang magpasa ang parliyamento ng isang lehislasyon na magbibigay pahintulot sa mga hotel, na tumangging magbigay ng serbisyo sa customers na hindi magsusuot ng mask o susunod sa iba pang health rules.
Ang mask ay isusuot hindi lamang indoors at sa mga pampublikong transportasyon, kundi maging outdoors, sa kabila ng sinasabi ng gobyerno na hindi naman ito kailangan sa labas kung ang lugar ay hindi masyadong matao.
May makikita pa ring hand sanitizer sa entrance ng karamihan sa business establishments, habang ang plastic dividers ay malimit pa ring gamitin sa mga restaurant.
Simula nang i-anunsiyo noong Setyembre ang planong reopening, sinabi ni Antoine Chanthavong ng Paris-based travel agency na Destination Japan, “we’ve been absolutely drowning, we don’t have enough time to deal with all the requests.”
© Agence France-Presse