Japan gugugol ng dagdag na $660 million para sa quake relief
Gugugulan ng Japan ng karagdagang $660 million ang rebuilding ng mga lugar na winasak ng nangyaring lindol noong New Year’s Day. Dahil dito ay aabot na sa kabuuang $1.7 billion ang halaga ng quake relief.
Ang magnitude-7.5 na lindol at ang mga aftershock nito, ay sumira sa mga bahagi ng rehiyon ng Ishikawa sa baybayin ng Sea of Japan, nagpaguho sa mga gusali, sumira ng mga kalsada at nagdulot ng malaking sunog.
Sa ngayon, 241 katao ang kumpirmadong namatay sa sakuna, habang mahigit 10,000 ang nagkanlong sa mga shelter at hotel, at putol pa rin ang serbisyo ng tubig sa ilang bahagi ng Ishikawa.
Ang bagong financial aid ay inanunsiyo ni Prime Minister Fumio Kishida, nang bisitahin niya ang mga lugar na tinamaan ng lindol upang i-assess ang sitwasyon doon.
Ayon ka Kishida, “The living conditions at temporary shelters are improving, but I will bear in mind that the reality remains tough as ever. The inspection ‘renewed the government’s determination’ to work toward providing more support.”
Sinabi ni Kishida na ang karagdagang humigit-kumulang 100 bilyong yen ($660 milyon) na gugugulin mula sa kasalukuyang reserbang pondo ng pananalapi ngayong taon na ginagamit para pantulong sa sakuna at iba pang contingencies, ay nakatakdang aprubahan ng kanyang Gabinete sa mga darating na araw.
Ito ang magsisilbing ikatlong alokasyon ng emergency funds para sa mga pagsisikap na makabawi mula sa lindol noong New Year’s Day.
Aniya, ang pinakabagong pondo ay nakadisenyo na ang isang bahagi ay para pondohan ang isang subsidy system, na naglalayong tulungan ang “young and child-rearing families” na muling itayo ang kanilang tahanan.
Dagdag pa ng prime minister, bibilisan din ang pagkilos para sa pagtatayo ng mga prefabricated temporary housing, habang nangako rin ng dagdag na suporta para sa traditional artifact industry ng Wajima, na kilala sa kanilang ‘katangi-tanging lacquerware.’
Ang pinsalang dulot ng lindol sa Ishikawa at dalawang katabing mga rehiyon, ay malamang na umabot sa pagitan ng 1.1 trillion yen ($7.4 billion) at 2.6 trillion yen ($17.6 billion), ayon sa government estimate noong isang buwan.
Ngunit kahit ang pinakamataas na pagtatantya ay mas mababa pa rin kaysa sa 16.9 trillion yen na halaga ng pinsalang idinulot ng lindol at tsunami noong 2011, sa hilagang-silangan ng Japan.
Ang naturang sakuna ay nag-iwan ng 18,500 kataong patay o nawawala, at nagbunsod ng meltdown ng Fukushima atomic plant, ang pinakamalalang nuclear accident sa mundo simula nang mangyari ang katulad na sakuna sa Chernobyl.