Japan, magsisimula nang magpakawala ng treated water mula sa Fukushima ngayong taon
Plano ng Japan na simulan ngayong taon ang pagpapakawala sa karagatan ng higit sa isang milyong tonelada ng treated water, mula sa napinsalang Fukushima nuclear power plant.
Sinabi ng chief cabinet secretary na si Hirokazu Matsuno, na ang plano ay inendorso ng International Atomic Energy Agency (IAEA), ngunit ang gobyerno ay maghihintay pa para sa “isang komprehensibong ulat” ng nasabing UN watchdog bago simulan ang pagpapakawala.
Hindi kinaya ng cooling systems ng planta, ang isang malaking undersea earthquake noong 2011 na nagbunsod ng tsunami at nagdulot ng pinakagrabeng nuclear accident mula noong Chernobyl incident.
Isinasagawa na ang decommissioning at inaasahang tatagal ito ng humigit-kumulang apat na dekada.
Ang site ay nagpo-produce ng 100 cubic meters (3,500 cubic feet) ng kontaminadong tubig bawat araw sa karaniwan noong Abril-Nobyembre noong nakaraang taon – isang kumbinasyon ng groundwater, seawater at rainwater na tumatagos sa lugar, at tubig na ginagamit para sa pagpapalamig.
Ang tubig ay sinasala upang alisin ang iba’t ibang radionuclides at inililipat sa storage tanks, mayroon nang higit sa 1.3 milyong metro kubiko sa site at nauubusan na ng espasyo.
Sinabi ni matsuno, “We expect the timing of the release would be sometime during this spring or summer, after release facilities are completed and tested, and the IAEA’s comprehensive report is released. The government as a whole will make the utmost efforts to ensure safety and take preventive measures against bad rumors.”
Ang pahayag ay tumutukoy sa mga pangamba ng mga katabing bansa at lokal na fishing communities tungkol sa planong pagpapakawala.
Nangangamba ang mga mangingisda sa rehiyon na magdulot ng kasiraan sa reputasyon ang pagpapakawala, matapos ang ilang taong pagsisikap na maitatag ang tiwala sa kanilang mga produkto sa pamamagitan ng “strict testing.”
Sinabi ng plant operator na TEPCO, na ang treated water ay pasado sa national standards for radionuclide levels, maliban sa isang elemento, ang tritium, na ayon sa mga eksperto ay mapanganib lamang sa tao “in large doses.”
Plano nitong i-dilute ang tubig upang bawasan ang tritium levels at pakawalan ito sa pampang sa loob ng ilang dekada sa pamamagitan ng isang kilometrong haba (0.6-milya) na tubo sa ilalim ng tubig.
Ayon naman sa IAEA, ang gagawing pagpapakawala ay pumasa sa international standards at “hindi magdudulot ng anumang pinsala sa kapaligiran”.
Binatikos naman ng mga katabing bansa sa rehiyon gaya ng China at South Korea, at mga grupo gaya ng Greenpeace, ang naturang plano.
Ang disaster na nangyari noong March 2011 sa northeast Japan ay nag-iwan ng humigit-kumulang 18,500 patay o nawawala, na ang karamihan ay nasawi dahil sa tsunami.
Libu-libong mga residente sa paligid ng Fukushima plant ang inatasang lumikas habang ang iba naman ay nagkusang lumikas.
Humigit-kumulang 12 porsiyento ng rehiyon ng Fukushima ang dating idineklara na hindi ligtas, ngunit ngayon ay humigit-kumulang dalawang porsiyento na lamang ang sakop ng no-go zone, bagama’t ang mga populasyon sa karamihan ng mga bayan ay namamalaging mas kakaunti kaysa dati.
© Agence France-Presse