Japan tinamaan ng magnitude 5.9 na lindol
Isang malakas na lindol ang tumama sa Pacific Ocean timog ng Tokyo kaninang umaga, na nagtulak sa mga awtoridad na magpalabas ng isang tsunami advisory para sa Izu at Ogasawara Islands.
Iniulat ng Japan Meteorological Agency (JMA), na tumama ang magnitude 5.9 na lindol ilang sandali bago mag-alas otso ng umaga (local time).
Kasunod ng seismic event, isang 50-sentimetrong tsunami ang naobserbahan sa Hachijo-jima Island, habang isang 10-sentimetrong alon naman ang naitala sa Miyake-jima Island.
Nagbabala ang JMA na maaaring asahan ng mga nasa coastal area ang mga tsunami na hanggang isang metro ang taas.
Ang mga residente ay hinihimok na lumayo sa baybayin at bunganga ng mga ilog bilang pag-iingat.
Nagpalabas din ang Japan Coast Guard ng navigational warnings sa mga barko na naglalayag sa mga apektadong rehiyon at hinimok ang mga tao na palagiang subaybayan ang updates mula sa Meteorological Agency.
Samantala, nagsagawa naman ng pagpapatrulya ang lokal na pulisya sa mga lugar na nasa ilalim ng tsunami advisory, at inabisuhan ang mga residente na maging mapagbantay.