Japan, tuloy ang eleksiyon nitong linggo, dalawang araw makaraang mapaslang si dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe
Bumoto ang mga mamamayang Hapones nitong Linggo para sa isang upper house election, dalawang araw makaraang mapatay sa insidente ng pamamaril si dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe, habang nangangampanya.
Ang halalan, kung saan inaasahang lalawak pa ang pagiging majority ng ruling Liberal Democratic Party (LDP) na kinabibilangan ni Abe, ay nalambungan ng nasabing pamamaslang.
Subali’t iginiit ni Prime Minister Fumio Kishida at iba pang pulitiko, na ang nakabibiglang pangyayari ay hindi dapat maging sanhi upang hindi matuloy ang eleksiyon.
Ayon kay Kishida . . . “We must never allow violence to suppress speech during elections, which are the foundation of democracy.”
Nagtungo rin ang opisyal sa tahanan ng pamilya ni Abe sa Tokyo, kung saan dinala ang labi nito mula sa isang ospital sa western Japan upang magpaabot ng kaniyang pakikiramay.
Yumanig sa bansa ang nangyaring asasinasyon noong Biyernes ng umaga, na ikinabigla rin ng buong mundo sanhi upang bumuhos ang pakikisimpatiya kahit mula sa mga bansang nagkaroon noon ng hindi magandang relasyon kay Abe, gaya ng China at South Korea.
Sinabi sa mga imbestigador ng 41-anyos na akusado sa pagpatay na si Tetsuya Yamagami na nasa kustodiya na ng mga kinauukulan, na tinarget niya si Abe dahil naniniwala siyang may kinalaman ito sa isang hindi pinangalanang organisasyon.
Isang religious organization batay sa paglalarawan ng local media, sinabi ni Yamagami na ang kaniyang pamilya ay dumanas ng suliraning pang-pinansiyal bilang resulta ng pagbibigay ng kaniyang ina ng donasyon sa naturang grupo.
Si Abe ay nangangampanya sa western region ng Nara para sa isang kandidato mula sa kaniyang ruling LDP, nang barilin siya ni Yamagami at noong Sabado ay inamin ng lokal na pulisya na nagkaproblema sa security plan para kay Abe.
Dahil sa kakaunting violent crime at mahigpit na gun laws, ang seguridad sa Japanese campaign events ay maaaring luwagan, nguni’t pagkatapos nang nangyari kay Abe ay hinigpitan na ang seguridad para sa mga nalalabi pang public apperances ni Kishida.
Gayunman, namalaging normal ang seguridad sa polling stations nitong Linggo.
Nangako naman ang pulisya ng masusing imbestigasyon sa tinawag ng pinuno ng Nara regional police na ‘mga problema sa guarding at safety measures’ para kay Abe.
Ayon kay Nara regional police chief Tomoaki Onizuka . . . “I believe it is undeniable that there were problems with the guarding and safety measures for former prime minister Abe. In all the years since I became a police officer in 1995… there is no greater remorse, no bigger regret than this.”
Ang pagpatay sa pinaka kilalang pulitiko ng Japan ay umani ng pangdaigdigang pagkondena, kung saan ipinag-utos ni US President Joe Biden na i-half mast ang mga bandila nitong Linggo, habang sinabi naman ni Chinese President Xi Jinping na “lubha siyang nalulungkot.”
Ayon sa tanggapan ni Abe, magkakaroon ng lamay Lunes ng gabi at ang libing nito bukas, Martes ay para lamang sa pamilya at malalapit na kaibigan, na inaasahang gaganapin sa Zojoji Temple.
Sinabi ng US State Department, na si US Secretary of State Antony Blinken, na nasa Asya para sa mga pagpupulong ay dadaan sa Tokyo ngayong Lunes para magpaabot ng personal na pakikiramay.
Si Abe ay apo na ng isang political family at naging pinakabatang post-war prime minister nang siya ay maupo sa puwesto sa unang pagkakataon noong 2006, sa edad na 52.
© Agence France-Presse