Japanese Fashion Designer na si Issey Miyake, pumanaw na
Pumanaw na sa edad na 84 dahil sa liver cancer, ang Japanese fashion designer na si Issey Miyake, na ang global career ay inabot ng higit kalahating siglo.
Ayon sa empleyadong ayaw magpabanggit ng pangalan, si Miyake ay namatay noong August 5 subalit wala na itong ibinigay na iba pang detalye.
Aniya, ang libing ni Miyake ay sinaksihan ng kaniya lamang mga kamag-anak batay na rin sa kaniyang kahilingan at wala ring plano para sa isang Public Ceremony.
Isinilang sa Hiroshima noong 1938, ang designer ay nag-aral sa isang art school sa Tokyo, at lumipat sa Paris noong 1965, kung saan naman siya nag-aral sa “Elite” Fashion Design school na Ecole de la Chambre Syndicale de la Couture Parisienne.
Itinatag ni Miyake ang kaniyang Design Studio sa Tokyo noong 1970, at agad din siyang nagbukas ng una niyang boutique sa Paris.
Nag-boom ang kaniyang career pagdating ng 1980s, kung saan nag-eksperimento siya sa mga materyales mula plastic hanggang metal wire at maging artisanal Japanese paper.
Kabilang sa kaniyang mga imbensiyon ang “Pleats Please” line, mga kasuotang permanente ang pleats at hindi nagugusot, ang futuristic triangles ng kaniyang “Bao Bao” bag, at ang kaniyang “A-POC (A Piece Of Cloth)” concept – gamit ang computers sa pagtabas sa tela nang walang seams.
Ginawan niya rin ng higit 100 itim na turtlenecks ang Apple co-founder na si Steve Jobs.
© Agence France-Presse