Japanese tycoon Kazuo Okada at Tonyboy Cojuangco, inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng grave coercion
Nakitaan ng probable cause ng DOJ prosecutors para kasuhan sa korte ang Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada at ang Pinoy business partner nito na si Tonyboy. Cojuangco dahil sa sinasabing marahas na takeover sa Okada Manila noong Mayo.
Sa resolusyon ng DOJ prosecutors, inirekomenda na kasuhan sa korte ng grave coercion sina Okada, Cojuangco at ilan pang personalidad na sangkot sa umano’y puwersahang takeover.
Ang kaso ay nag-ugat sa inihaing reklamo ng mga opisyal ng Tiger Resorts Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI) na operator ng Okada Manila.
Sa reklamo ng Tiger Resorts, pinaratangan sina Okada at Cojuangco at mga kasabwat nito ng pagdukot kay Hajime Tokuda sa loob ng hotel habang nasa isang meeting.
Gayunman, ibinasura ng DOJ ang mga reklamong kidnapping, serious illegal detention, at unjust vexation laban sa respondents.
Ayon sa DOJ, ang lumalabas na intensyon ng pag-restraint kay Tokuda ay hindi para ito dukutin kundi para ito ay patalsikin sa Okada at mapigilan ang pagganap ng tungkulin kaya kasong grave coercion ang puwedeng ihain sa mga respondent.
Sa ilalim ng Article 286 ng Revised Penal Code, ang grave coercion ay kung ang isang tao na walang otoridad ay nagbanta o gumamit ng karahasan o pananakot para pigilan ang isa na gawin ang hindi naman bawal sa batas o labag sa kalooban nito, tama man ito o mali.
Moira Encina