Jason Momoa bibida sa ‘Minecraft’ live-action movie para sa Warner Bros.
Nakatakdang bumida ang Aquaman at Dune star na si Jason Momoa sa susunod na live-action Minecraft movie ng Warner Bros. Studios.
Ayon sa reports, si Momoa ay nasa pinal nang pakikipag-negosasyon para maging bida sa live-action film na nakabase sa lubhang popular na video game.
Ang Minecraft ay isang first-person survival game na binuo at ginawang available online ng Mojang Studios ng Sweden. Ang unang installment ng franchise ay nag-debut noong November 2011, na ang pinaka latest, ang Minecraft Dungeons, ay ipinalabas naman noong May 2020.
Sa Minecraft, ang players ay maaaring maghukay ng mga materyales at gumamit ng blocks para makabuo ng mga istraktura sa virtual worlds. Ang laro ay mabilis na pumatok at mula noon ay lumabas na sa maraming platforms. Ito ang best-selling video game of all time, na may higit 238 million copies na naipagbili.
Ang Napoleon Dynamite filmmaker na si Jared Hess ang direktor ng Minecraft film na mula sa script na isinulat ni Chris Bowman at Hubbell Palmer. Sina Mary Parent at Roy Lee ang producer, habang si Jill Messick ay tatanggap ng isang posthumous producing credit para sa pag-develop sa pelikula bago siya namatay noong 2018.
Tutulong din sa produksiyon ang Executive producers na kinabibilangan ni Jon Berg, Cale Boyter at Jon Spaihts. Maging sina Lydia Winters at Vu Bui ng Mojang Studios.
Ang Warner Bros. ay bumubuo ng isang proyekto batay sa video game sa loob ng maraming taon, kasama sina Shawn Levy, Rob McElhenney at Peter Sollett na dating naka-attach sa pagdidirek. Sa isang punto, inaasahang magbibida si Steve Carell sa movie adaptation ng Minecraft.
Si Momoa at ang Warner Bros. ay mayroong Aquaman and the Lost Kingdom, sequel sa 2018 film na Aquaman na nakatakdang ipalabas sa March 2023.
Ang 42-anyos na si Momoa ay bida rin sa Apple TV+ series na See. Bukod dito, kilala rin ang aktor para sa kaniyang papel sa Game of Thrones ng HBO at Peacemaker ng HBO Max.