Jo Koy magiging host ng Golden Globes awards
Inanunsyo ng organizers, na magiging host ng “newly revamped” Golden Globes ang comedian at actor na si Jo Koy.
Sinabi ng stand-up comedian na nasasabik siyang pangunahan ang party na siyang pasimula ng tatlong buwang mga seremonya sa industriya ng pelikula.
Ayon kay Jo Koy, “I’ve stepped onto a lot of stages around the world in my career, but this one is going to be extra special. This is that moment where I get to make my Filipino family proud.”
Umaasa ang Golden Globes na ang 81st edition nito ay magiging parang isang reboot para sa isang tatak na sa nakalipas na ilang taon ay hindi naging maganda ang reputasyon.
Matatandaan na lumitaw sa isang 2021 Los Angeles Times expose na ang voting body nito, ang Hollywood Foreign Press Association (HFPA) ay walang Black members.
Nag-trigger ito upang maglabasan ang marami pang ibang mga kritisismo tungkol sa HFPA, kabilang ang mga alegasyon ng pagiging amateur at korapsiyon.
Sa mga unang bahagi ng 2023, ang assets at trademarks ng Globes ay binili ng isang grupo ng mga pribadong investor kabilang ang US billionaire na si Todd Boehly.
Ang dating Hollywood-based HFPA members ay binawalan nang tumanggap ng mga regalo, at ngayon ay tatanggap na ng suweldo para bumoto para sa paborito nilang mga pelikula at mga palabas sa telebisyon.
Mahigit na 200 non-member (unpaid) voters mula sa 75 mga bansa sa buong mundo ang idinagdag din sa Globes mix.
Ang CBS, na isa sa pinakamalaking national television networks ng Estados Unidos, ang magiging bagong tahanan ng Globes, makaraang tapusin na ng matagal nang host nito na NBC ang kasunduan sa Globes upang ipalabas ang event.
Umaasa ang CBS bosses na malaki ang magiging improvement sa ratings, matapos na bumagsak ang 2023 Globes sa bagong pinakamababa na 6.3 million viewers lamang, kahit na ang iba pang mga palabas gaya ng Oscars ay nakarekober na mula sa mababang viewership.
Ang 81st Golden Globes ceremony ay idaraos sa Beverly Hills at gaganapin sa Enero 7.