Johnny Depp, mainit na tinanggap sa opening ng Cannes, sa gitna ng kontrobersiyang nilikha ng kaniyang comeback film
US actor Johnny Depp poses for a picture with a fan as he arrives for the opening ceremony and the screening of the film “Jeanne du Barry” during the 76th edition of the Cannes Film Festival in Cannes, southern France, on May 16, 2023. PATRICIA MOREIRA / AFP
Ipinagbunyi ng mga tagahanga si Johnny Depp nang dumating siya sa red carpet para sa screening ng kanyang comeback movie sa pagbubukas ng Cannes Film Festival.
Ang 59-anyos na si Depp, ay ilang minutong nakipag-usap sa naghihiyawan niyang mga tagahanga, nagpose para sa selfie at pumirma ng autograph bago ang screening ng French period drama na “Jeanne du Barry,” kung saan gumaganap siya bilang King Louis XV.
Kasama siya ng mga bituin tulad nina Uma Thurman, Helen Mirren, at Elle Fanning, para sa unang gabi ng pagtitipon-tipon ng industriya sa French Riviera.
Nakatanggap naman ang 78-anyos na si Michael Douglas ng honorary Palme d’Or, kung saan nagbiro ito tungkol sa pagiging mas matanda niya ng dalawang taon kaysa sa festival.
Ayon kay Douglas, “This means so much to me because there are hundreds of festivals around the world but there’s only one Cannes.”
Bagama’t ang 21 pelikula mula sa buong mundo ay maglalaban-laban para sa Palme d’Or, ang nangungunang premyo ng festival—may mga paulit-ulit na tanong tungkol sa pagpili nito ng opening film.
Si Depp ay namalaging kontrobersyal simula nang maganap ang “toxic court battles” sa pagitan nila ng dating asawa at aktres na si Amber Heard, na nagsiwalat ng magulong pribadong buhay na kinasasangkutan ng alak, droga at mga paratang ng pang-aabuso sa tahanan.
Ngunit nakakuha siya ng isang “record $20-million deal” upang manatiling mukha ng Dior fragrance, ayon sa Variety noong nakaraang linggo, at nakatakda rin siyang maging direktor ni Al Pacino sa isang biopic ng artist na si Amedeo Modigliani sa huling bahagi ng taong ito.
Noong Lunes, sinabi ng direktor ng festival na si Thierry Fremaux, “I was not interested in Depp’s legal woes, I am interested in Depp the actor.”
Tinuligsa naman ng isang grupo ng 123 manggagawa sa industriya ng pelikula sa Pransya ang festival, dahil sa “paglalatag ng red carpet sa mga lalaki at babae na naakusahan ng assault.”
Inilarawan naman ng jury chief na si Ruben Ostlund, na nagwagi ng top prize noong isang taon ang Palme na “the greatest film prize in the world. If I can choose between an Oscar and a Palme, it is an easy choice.”
Sa mga pelikulang magtutunggali para sa award, pito rito ay mga babae ang direktor na maituturing na “record.’
Balik din sa kumpetisyon ang ilang Palme laureates, kabilang ang two-time winner na si Ken Loach ng Britanya, Hirokazu Kore-eda ng Japan at Wim Wenders ng Germany.
Honoree Martin Scorsese (L), recipient of the Legend of Cinema Award, and Leonardo DiCaprio attend a filmmaker luncheon during CinemaCon, the official convention of the National Association of Theatre Owners, at Caesars Palace on April 27, 2023 in Las Vegas, Nevada. Ethan Miller/Getty Images/AFP (Photo by Ethan Miller / GETTY IMAGES NORTH AMERICA / Getty Images via AFP)
Ang festival, na tatakbo hanggang sa May 27, ay kinapapalooban ng maraming ‘hot-ticket premieres’ gaya ng “Indiana Jones and the Dial of Destiny,” ang ika-5 at huling pelikula ni Harrison Ford sa papel ng ‘whip-cracking archaeologist,’ at ang bagong epic ni Martin Scorsese na “Killers of the Flower Moon,” na pinagbibidahan naman nina Leonardo DiCaprio at Robert De Niro.
Samantala, humigit-kumulang sa isang libong mga pulis at security guards ang itinalaga para sa festival, sa gitna ng pangamba ng mga protestang may kaugnayan sa ‘unpopular pension reforms” ni President Emmanuel Macron, kung saan nagbanta pa ang CGT union na puputulin nila ang suplay ng kuryente.