Joint congressional inquiry isinulong sa Kamara para sa pagbuo ng istratehiya ukol sa El Niño

Photo courtesy of eaglenews.ph

Ibinabala ng Kamara na dapat seryosohin ng gobyerno ang magiging epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Bagama’t pormal nang idineklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng tag-ulan, hindi pa rin nawawala ang epekto ng tagtuyot o El Niño.

Kaya umapela ang Kamara sa Malacañang na paghandaan ang magiging epekto ng tagtuyot sa bansa na inaasahang mararamdaman sa huling quarter ng taon.

Sa House Resolution 1024 na isinulong ni House Deputy Speaker Camille Villar, hiniling ang pagdaraos ng joint congressional inquiry ng House Committee on Agriculture at House Committee on Energy para sa pagbuo ng mga hakbang ng gobyerno kaugnay sa pinsalang idudulot ng El Niño.

Sinabi ni Villar na pangunahing dapat paghandaan ng gobyerno ang epekto ng El Niño sa agrikultura para ma-protektahan ang food security gayundin ang essential at non-essential industries, kasama ang magiging problema sa water resources, power generation, health at sanitation.

Kung hindi maaagapan ng gobyerno ang epekto ng inaasahang kalamidad, ibinabala ni Villar na tiyak na magkakaroon ng kakulangan sa supply ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan na hahantong sa paglobo ng inflation rate sa bansa.

Dagdag pa ng mambabatas, kailangan ang whole of government approach sa pamamagitan ng pagbuo ng inter-agency task force na babalangkas ng El Niño National Masterplan dahil kasalukuyan pang bumabangon ang bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *