Joint project ng Department of Agriculture at lokal na pamahalaan ng Ilagan para sa itatayong corn complex sa Isabela, nilagdaan na
Pormal nang lumagda sa kasunduan si Department of Agriculture (DA) secretary William Dar, at ang pamunuan ng lungsod ng Ilagan sa Isabela, kaugnay ng itatayong corn complex sa siyudad.
Ang kauna-unahang corn complex sa buong Cagayan Valey region, na nagkakahalaga ng 270 million pesos ay inaasahang makapagbibigay hindi lamang ng world class finish products, kundi ng maraming trabaho sa mga residente sa lugar.
Paliwanag ni Sec. Dar, nararapat lang na magkaroon ng isang state of the art corn complex ang Isabela, dahil kinilala ng agricuture department ang Ilagan city bilang corn capital ng bansa.
Kinilala rin ng kalihim ang pagiging masipag at matiyaga ng mga magsasaka sa lugar.
Naganap ang ceremonial signing sa memorandum of agreement (MOA), kasabay ng pagpapasinaya sa kauna-unahan ding swine breeding complex sa buong norther luzon.
Magkatuwang naman sa nasabing programa ang local government (LGU-Ilagan) at isang pribadong kompanya mula sa Thailand.
Samantala, nagkaloob din ng isang bilyong pisong cash assistance ang DA bilang ayuda sa lalawigan na isa sa sinalanta ng nagdaang kalamidad.
Sinabi ni Isabela Governor Rodolfo Albano III, na bagamat binaha ang lalawigan sa mga nakalipas na linggo, bumabaha rin hanggang ngayon ng tulong dahil sa patuloy na pagdating ng ayuda laluna mula sa national government.
Ulat ni Erwin Temperante