Jolie, naghahanap ng ‘pinsala’ nang ibenta ang kaniyang vineyard stake sa isang Russian Oligarch – Pitt
Inakusahan ni Brad Pitt ang dating asawang si Angelina Jolie na nais nito ng “pinsala,” nang ibenta nito ang 50% ng kaniyang share sa kanilang French vineyard sa isang Russian oligarch na may “masamang intensiyon.”
Ang mga paratang na nakapaloob sa isang bagong court filings bilang bahagi ng pagsasampa ng kaso ni Pitt laban kay Jolie kaugnay ng pagbebenta nito ng Chateau Miraval, ang pinakabagong punto sa mapait na labanang legal sa pagitan ng dating Hollywood power couple.
Noong Oktubre, ipinagbili ni Jolie ang kaniyang share ng southern France vineyard — kung saan sila ikinasal ni Pitt – kay Tenute del Mondo, isang subsidiary ng Russia-born billionaire na Yuri Shefler na isang drinks conglomerate.
Nagdemanda si Pitt noong Pebrero, sa pagsasabing nagkasundo silang mag-asawa na hindi ipagbibili ang kanilang share nang walang consent ang bawat isa, at inakusahan si Jolie na gustong makakuha ng pakinabang na “hindi naman niya pinaghirapan.”
Sa isang amended complaint ay sinabi ng mga abogado ni Pitt . . . “Jolie sought to inflict harm on Pitt with the sale,” at inilarawan si Shefler na isang estranghero “with poisonous associations and intentions.”
Ang reklamong inihain na natanggap ng isang korte sa Los Angeles noong Biyernes ay nag-aakusa na si Shefler “ay may namamalaging personal at propesyunal na ugnayan sa mga indibidwal sa inner circle ni Vladimir Putin.”
Si Shefler ay matagal nang outspoken critic ni Putin, at ang kaniyang Stoli Group drinks conglomerate ay naka-base sa Latvia.
Noong Marso, kasunod ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine, naglabas ng pahayag si Shelfer na nagsasabing siya ay ipinatapon mula sa Russia mula pa noong 2002 dahil sa kaniyang pagsalungat kay Putin, at muling ni-rebrand ang kaniyang kompanya bilang “pakikiisa sa Ukraine.”
Ngunit ayon sa latest filing ni Pitt . . . “Despite Shefler’s desperate attempt to disassociate himself from the Putin regime, the Stoli brand is now a massive international liability. Stoli vodka is synonymous with Russia, as the countless images of consumers pouring Stoli vodka down the drain make clear. Since Russia’s February 2022 invasion of Ukraine, Miraval’s insurer has sought assurances that Shefler is not aligned with Putin and that affiliation with Stoli would not create commercial risk.”
Sa complaint ay kasama rin ang Saudi Crown Prince na si Mohammed bin Salman na nasa loob ng diumano’y “network of ill-reputed professional associates” ni Shefler na “nagbabanta ng pangmatagalang pinsala sa reputasyon ng Miraval.”
Ang Stoli Group ay hindi agad tumugon sa kahilingan para sa kanilang komento.
Ayon sa isang source, nagpasya si Jolie na magbenta dahil siya at ang kanyang mga anak ay hindi na nakabalik pa sa Chateau Miraval, at marami siyang ginawang alok sa kanyang dating asawa bago pumirma sa deal kay Shefler.
Sinabi pa ng source na ang demanda ni Pitt laban kay Jolie, ay ekstensiyon ng isang maling salaysay at ang katotohanan ng sitwasyon ay hindi pa naisasapubliko.
© Agence France-Presse