Jolo RTC Branch 3, naglabas na ng arrest warrant laban sa siyam na pulis na akusado sa pamamaril sa apat na sundalo
Ipinag-utos na ng Hukuman sa Jolo, Sulu na arestuhin ang siyam na pulis na akusado sa pamamaril at pagpatay sa apat na sundalo noong Hunyo 2020.
Sinabi ni Office of the Prosecutor General spokesperson Atty. Honey Delgado na ipinalabas noong Huwebes ng Jolo Regional Trial Court Branch 3 ang warrant of arrest laban sa mga akusado.
Itinakda naman ng korte na dinggin nitong Biyernes ang hiling ng piskalya na magisyu ng Hold Departure order laban sa mga nasabing pulis.
Una nang pinalaya ng PNP ang mga pulis na akusado matapos na sibakin sa pwesto sa kabila ng hiling ng DOJ na huwag munang palayain habang hinihintay ang arrest warrant.
Hindi rin agad nakapagisyu ng arrest order ang handling judge sa kaso dahil sa apektado ng lockdown sa Sulu.
Nagtalaga naman ang Korte Suprema ng acting presiding judge sa Jolo RTC Branch 3 para maaksyunan ang mga urgent matters sa hukuman.
Moira Encina