Jrue Holiday ng Bucks, pinarangalan bilang NBA Teammate of the Year sa ikalawang pagkakataon
Inanunsiyo ng liga na pinangalanan bilang NBA Twyman-Stokes Teammate of the Year, ang Milwaukee Bucks guard na si Jrue Holiday.
Ito na ang ikalawang pagkakataon sa kaniyang NBA career na si Holiday ay binigyan ng naturang parangal, na pinagbotohan ng mga manlalaro at ipiniprisinta taun-taon, simula 2012-13 season.
Kinikilala ng Twyman-Stokes Award ang isang manlalaro para sa “selfless play, on- and off-court leadership as a mentor and role model to other NBA players and dedication to the team.”
Ipinagkaloob din kay Holiday ang naturang award sa 2019-20 campaign, noong siya ay bahagi pa ng New Orleans Pelicans. Ang veteran guard ang unang manlalaro na dalawang ulit na nabigyan ng nasabing parangal.
Tinulungan ng 31-anyos na si Holiday ang Bucks sa una nitong NBA championship sa loob ng 50 taon sa nakaraang season, pagkatapos ay kasama rin siya sa Tokyo para tulungan ang Team USA na makakuha ng medalyang ginto sa ginanap na Summer Olympics.
Sa 67 na laro para sa Bucks ngayong season, si Holiday ay nag-average ng 18.3 points, 6.8 assists, 4.5 rebounds at 1.6 steals.
Sa panahon ng 2020-21 season, binigyan din si Holiday ng NBA Sportsmanship Award, na pinagbotohan din ng mga manlalaro.
Pumipili ng 12 finalists ang isang panel ng league executives para sa Twyman-Stokes Award – anim mula sa bawat conference – at ang kasalukuyang NBA players ang pumipili ng mananalo.
Nasa ikalawang puwesto sa botohan ang Dallas Mavericks center na si Boban Marjanovic, habang ang Chicago Bulls forward na si DeMar DeRozan ang pangatlo.
Ang iba pang finalists para sa award ay ang Utah Jazz forward na si Rudy Gay; ang Denver Nuggets forward na si Jeff Green: Miami Heat forward na si Udonis Haslem: Golden State Warriors forward na si Andre Iguodala: Cleveland Cavaliers forward na si Kevin Love: Phoenix Suns guard na si Chris Paul: Toronto Raptors guardna si Fred VanVleet: Boston Celtics forward na si Grant Williams: at Memphis Grizzlies big man na si Jren Jackson, Jr.