Justice Lucas Bersamin, ibinasura rin ang hiling ni Chief Justice on-leave Sereno na mag-inhibit ito sa Quo Warranto case laban dito
Hindi rin mag-i-inhibit si Associate Justice Lucas Bersamin sa Quo Warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Sa anim na pahinang Draft resolution na isinumite ni Bersamin sa Supreme Court en Banc, iginiit nito na wala siyang galit kay Sereno at propesyunal ang pagtestigo niya laban dito sa house Impeachment proceedings.
Ang pagharap aniya sa Kamara ay bilang pagrespeto sa mandato ng Kongreso na duminig sa Impeachment case.
Ayon pa kay Bersamin, may pahintulot ng SC en Banc ang pagdalo niya sa nasabing pagdinig ng mababang kapulungan.
Wala rin anyang merito ang mosyon ni Sereno at walang legal basis sa batas o jurisprudence.
Nilinaw din ng Justice na hindi niya tinawag na diktador si Sereno.
Dagdag pa ni Bersamin hindi siya nakiisa sa mga isinagawang Red Monday protest ng mga kawani ng Hudikatura kundi nagbigay pugay sa watawat ng Pilipinas.
Dahil dito ay may karapatan siyang lumahok sa deliberasyon ng Korte Suprema sa quo warranto case na inihain ng Solicitor General laban kay Sereno.
Ulat ni Moira Encina