Justice Secretary Menardo Guevarra itinangging ginigipit ang mga staff ng pinatalsik na Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno

Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi panggigipit ang pagpapatawag ng DOJ panel of prosecutors sa mga staff ng tinanggal na Punong Mahistrado na si Maria Lourdes Sereno.

Ito ay kasunod ng paratang ni Sereno dahil sa pagpapasubpoena ng DOJ sa mga staff nito na sina Atty. Ma. Lourdes Oliveros at Atty. Michael Ocampo na  nahaharap sa mga reklamong katiwalian dahil sa isyu ng pagkuha ng IT consultant ng Korte Suprema nang hindi dumaan sa public bidding.

Ayon kay Guevarra, ginagawa lang ng mga public prosecutors ang tungkulin na magsagawa ng imbestigasyon sa kasong isinampa laban sa mga tauhan ni Sereno.

Bahagi anya ng proseso ang pagiisyu ng subpoena sa mga respondents.

Iginiit pa ni Guevarra na hindi siya papayag na magamit ang DOJ sa mga pampulitikang layunin sa ilalim ng kanyang liderato.

Ang reklamo laban sa mga staff ni Sereno ay inihain ni Atty Lorenzo Gadon dahil sa pagkuha sa IT consultant na si Helen Macasaet na hindi idinaan sa public bidding.

Una nang naghain ng kontra salaysay sa DOJ ang mga tauhan ni Sereno.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *