Justice Secretary Menardo Guevarra nagpaliwanag sa hindi pagsama kay Health Secretary Duque sa mga inirekomendang sasampahan ng reklamo ukol sa mga kurapsyon sa PhilHealth
Nilinaw ng DOJ na mas maraming tao pa ang maaaring sampahan ng reklamo kaugnay sa mga anomalya at katiwalian sa PhilHealth.
Ito ang sagot ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga puna na hindi isinama si Health Secretary Francisco Duque III sa mga inirekomendang sampahan ng reklamo ng Task Force PhilHealth.
Ayon kay Guevarra, ang report na isinumite ng Task Force sa Pangulo ay ukol lamang sa kanilang initial findings.
Umpisa pa lang anya ang nasabing report at nagpapatuloy pa ang mga imbestigasyon sa mga nakaraan at kasalukuyang iregularidad sa PhilHealth kaya mas marami pang tao ang pwedeng ipagharap ng reklamo.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na bilang Chairman of the Board ng PhilHealth, walang aktwal na partisipasyon si Duque sa operasyon ng korporasyon
Pero kung may sapat na ebidensya na may kapayabaan sa parte ni Duque ay maaari din itong maharap sa reklamo.
Inirekomenda ng Task Force na sampahan ng mga reklamong kriminal at administratibo ang pitong opisyal ng Philhealth.
Pangunahin sa mga ito ay si dating PhilHealth President at CEO Ricardo Morales.
Mga reklamong katiwalian, fraud, malversation of public funds at paglabag sa tax code ang planong isampa laban sa mga opisyal.
Inirekomenda rin na ireklamo ang mga opisyal ng dishonesty, gross neglect of duty at iba pang administrative complaint.
Moira Encina