K-pop megastars BTS naglabas ng memoir
Inilabas na ng K-pop megastars na BTS ang pinaka-aabangan nilang memoir sa South Korea, kaugnay ng ika-10 anibersaryo nila bilang isang grupo.
Ayon sa kanilang agency na BIGHIT MUSIC, ang “Beyond the Story: 10-Year Record of BTS” na unang opisyal na libro ng grupo, ay naglalaman ng chronological summary ng kanilang musical career, maging ng mga pahiwatig sa kanilang mga gagawin sa hinaharap.
The release date of the memoir, July 9, is a nod to the day the megastars’ loyal international fan base came into being / AFP
Sa kabila ng malakas na ulan, may ilang diehard fans na nagtipon pa rin sa harap ng Kyobo bookstore sa Gwanghwamun, na isa sa pinakamalaki sa Seoul.
Ang libro, na inilabas din sa Estados Unidos, ay nanguna sa Amazon and Barnes at sa Noble bestseller lists noong May dahil sa dami ng pre-orders.
Ayon sa US publisher na Flatiron Books, ang libro ay co-written ng South Korean journalist na si Kang Myeong-seok at mga miyembro ng banda.
Ang release date ng memoir na July 9, ay kasabay ng isa pang mahalagang petsa sa kasaysayan ng BTS. Ito rin kasi ang araw na nabuo ang loyal international base ng grupo na kilala sa tawag na ARMY, sampung taon na ang nakalilipas.
Sa loob ng dekada nang career ng BTS, sila ay naging isang global cultural phenomenon, kung saan sold out ang kanilang mga concert at dinomina nila ang mga music chart sa buong mundo, habang nagpapasok ng bilyun-bilyong kita sa ekonomiya ng South Korea.
Ang banda ay kasalukuyang nasa “hiatus,” na ang ibang miyembro ay may mga solo project na, habang dalawa sa miyembro nito ay kailangang tapusin ang military service ng South Korea.
Lahat ng lalaki sa South Korea ay kailangang magsilbi ng hindi bababa sa 18-buwan sa militar, at makalipas ang isang taon ding debate kung dapat bang bigyan ng exemption ang BTS, si Jin na pinakamatandang miyembro ay nagpa-enlist na noong isang taon.
Ang kaniya namang ka-grupo na si J-Hope ay nagsimula ng kaniyang mandatory service nito lamang Abril.
Bago ang “hiatus,” ang banda ay nagkaroon ng anim na No. 1 hits sa Hot 100 at ayon sa Billboard, ang solo tracks ng lahat ng pitong miyembro ng boyband ay nakaabot sa top songs chart.