Kabuhayan ng mga residente naapektuhan ng giyera ng dalawang grupo sa Maguindanao
Mahigit limampung libong mga residente mula sa Barangay Tukanalipao at Pimbalakan sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur ang nasa evacuation sites ngayon, matapos lisanin ang kanilang lugar dahil sa bakbakan ng dalawang armadong grupo.
Nadamay na sa bakbakan ang maraming mga alagang hayop ng mga mahihirap na mga residente mula sa dalawang nabanggit na barangay.
Kinumpirma ng ilang local officials at barangay leaders, na parehong mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang dalawang grupong naglalaban.
Posible umanong may matinding alitan sa agawan ng teritoryo at pulitika ang ugat ng labanan.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay Vincent Cuales, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) officer ng Mamasapano, ipinaliwanag nito na unang naganap ang barilan ng dalawang grupo nito pang nakalipas na Abril, at muling naulit kamakalawa.
Photo: Mindanao voices
Ayon sa evacuees, maraming alagang kambing ng mga magsasaka sa pinangyarihan ng kaguluhan sa Mamasapano nito lang nakalipas na dalawang araw, ang pinatay ng armadong magkalabang mga miyembro ng MILF gamit ang assault rifles.
Ilang mga alagang baka at kalabaw din ang ninakaw at tinangay ng mga naglalabang grupo.
Samantala, wala pang pahayag ang militar sa nasabing kaguluhan.
Ely Dumaboc