Kaduda dudang pagkawala ng mga police escort ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong araw na paslangin ito,iimbestigahan ng Kamara
Ikakasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon sa pagkawala ng ilang police escort ni Negros Oriental Governor Roel Degamo sa mismong araw na pinaslang ang naturang gobernador.
Inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Sta. Rosa City Congressman Dan Fernandez na magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Romualdez kahina-hinala ang report na lima sa anim na police escorts ni Degamo ang hindi nag-duty noong March 4 ang mismong araw na umatake ang ilang armadong kalalakihan sa bahay ng gobernador na ikinamatay din ng walong katao.
Sinabi ni Romualdez naireport ni Degamo ang banta sa kanyang buhay kaya nakapagtataka na isa lang sa anim na police escorts ang nasa bahay nito nang maganap ang krimen.
Paliwanag ni Romualdez layunin ng imbestigasyon na hindi lamang matukoy ang mga nasa likod ng pagpatay kay Degamo kundi mabigyan din ng seguridad ang iba pang mga opisyal na nangangailangan ng proteksiyon.
Inihayag ni Romualdez may pagkakahawig ang kaso ni Degamo sa ginawang assassination kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe noong 2019.
Matatandaan na pinull-out ang police escorts ni Batocabe na noon ay kumakandidatong Mayor ng Daraga, Albay ilang araw bago siya pinatay.
Vic Somintac