Kahilingang suspendihin ang paniningil ng gobyerno sa excise tax sa mga produktong petrolyo pag-aaralan pa ng Malakanyang
Hindi basta-basta mapagbibigyan ng Malakanyang ang kahilingang suspensiyon ng paniningil ng gobyerno sa excise tax sa mga inaangkat na produktong petrolyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na mayroong prosesong susundin sa suspensiyon ng pangongolekta ng excise tax sa mga imported petroleum products batay sa probisyon ng Tax Reform Acceleration Inclusion o TRAIN LAW.
Ayon kay Nograles kailangang pag-aralan muna ng Department of Finance o DOF at Development Budget Coordination Committee ang magiging epekto nito sa pananalapi ng pamahalaan.
Batay sa TRAIN law kapag pumalo na sa 80 dollars kada bareles ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan maaaring isuspendi ng pamahalaan ang paniningil ng excise tax sa mga inaangkat na produktong petrolyo.
Ang suspensiyon ng excise tax sa mga imported oil products ang nakikitang isa sa solusyon para maibsan ang epekto ng lingo-linggong pagtataas ng presyon ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Dahil sa lingguhang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa humihirit na ng fare increase ang mga nasa sektor ng transportasyon na makakaapekto sa commuting public.
Inaasahang patuloy pang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa world market dahil sa digmaang nagaganap ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Vic Somintac