Kalagayan ng mga Pinoy sa Amerika na apektado ng hurricane Irma tinututukan ng Malakanyang
Mahigpit na minomonitor ng Malakanyang ang kalagayan ng mga Filipino na maaapektuhan ng pananalasa ng Hurricane Irma sa mga estado ng Florida, South Carolina at Georgia.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na mahigpit ang pagtutok ng mga embassy at consulate officials sa Washington DC para alamin ang kalagayan ng mga Pinoy sa nabanggit na estado na apektado ng huricane Irma.
Ayon kay Abella mayroong humigit kumulang sa dalawang daang libong mga Pinoy ang nasa lugar na dadaanan ng hurricane Irma.
Inihayag ng Malakanyang na makakaasa ng tulong mula sa mga embassy at consulate officials ang mga Pinoy na apektado ng kalamidad.
Tiniyak ng Malakanyang sa mga kamag-anakan ng mga Pinoy sa Amerika na nasa Pilipinas na hindi pababayaan ang mga kababayan natin na tatamaan ng kalamidad.
Ulat ni: Vic Somintac