Kalahating milyon na-quarantine, habang nahaharap ang China export hub sa virus outbreaks
Kalahating milyong katao sa Zhejiang province ang na-quarantine, at ilang distrito naman ang nag-shutdown bunsod ng pangamba sa bagong Covid outbreak.
Apatnapu’t apat (44) mula sa 51 domestically transmitted coronavirus cases ng China ang napaulat na nagmula sa Zhejiang, isang pangunahing industrial at export hub sa east coast ng bansa, bunsod nito ay halos 200 na ang kabuuang bilang simula noong nakaraang linggo.
Bagama’t ang naturang numero ay maliit kumpara sa ibang mga bansa, ipinatupad pa rin ng Zhejiang ang mass testing at target ang pagpapatupad ng lockdowns bunga ng labis na pangambang muling magkaroon ng panibagong outbreaks, habang naghahanda ang Beijing sa Winter Olympics sa Pebrero.
Ayon sa mga opisyal, higit 540,000 katao ang isinailalim sa quarantine sa Zhejiang.
Ang pangamba ay dulot ng napaulat nitong Lunes, na ang unang kaso ng napakabilis makahawang Omicron variant ay natukoy na sa northern port city ng Tianjin.
Nitong nakalipas na mga araw ay nagpatupad din ng suspensiyon ng ilang business operations ang mga distrito sa Ningbo, ang main port ng probinsiya at sa kalapit na siyudad ng Shaoxing.
Ayon sa Zhenhai district ng Ningbo, isang malaking petrochemical base, lahat ng mga negosyong walang kinalaman sa virus control, o itinuturing na mahalaga sa publiko ay isasara at ang petrochemical producers ay dapat magbawas ng output.
Noong Huwebes, ipinag-utos ng isang distrito sa Shaoxing na itigil ang negosyo.
Nagpalabas din ng pahayag ang ilang publicly listed companies sa Hangzhou, ang kapitolyo ng probinsiya at pinakamalaking lungsod, na nagsuspinde sila ng produksiyon.
Lumitaw naman sa datos mula sa flight tracker na VariFlight ngayong Martes, na daan-daang flights palabas ng Hangzhou ang kinansela.
Ang Zhejiang ang isa sa nangungunang probinsiya ng China, pagdating sa GDP at exports.
Ayon kay Zhaopeng Xing, senior China strategist sa ANZ Research . . . “The shutdown of Zhejiang factories will impact on the supply chains of various sectors, especially fibre and textiles.” (AFP)