Kaligtasan ng mga pinoy sa Ukraine pangunahing concern ni Pangulong Duterte – Malakanyang
Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na magtungo sa Poland para personal na pangasiwaan ang repatriation ng mga pinoy sa Ukraine na naiipit sa gulo matapos umpisahan ng Russia ang pananakop sa Ukraine.
Ang bansang Poland ang kinaroonan ng pinakamalapit na Embahada ng Pilipinas sa Ukraine.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na pangunahing concern ni Pangulong Duterte ang kaligtasan ng mga pinoy sa Ukraine.
Ayon kay Nograles batay sa report ng Department of Foreign Affairs o DFA nagsasagawa na ng evacuation sa mga pinoy sa Ukraine papuntang Poland.
Iniulat naman ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Sarah Lou Ariola sa Malakanyang na sa ngayon ay voluntary repatriation pa lamang ang isinasagawa sa mga pinoy sa Ukraine dahil kailangan pang i-asses ni Secretary Locsin ang aktuwal na sitwasyon at sa sandaling makarating na ito sa Poland malapit sa border ng Ukraine ay magpapasya ang kalihim kung kakailanganin ang pagpapatupad ng force evacuation.
Inihayag ni Ariola na sa sinasabing 388 na mga pinoy na nasa Ukraine mga 181 pa lamang ang accounted matapos makipag-ugnayan sa mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa Poland.
Idinagdag pa ni Ariola dahil sarado na ang airport sa Ukraine mayroong 37 mga pinoy ang boluntaryong lumikas papuntang Poland ang naglalakbay gamit ang bus na inarkila ng DFA.
Pinasalamatan ng DFA ang pamahalaan ng Poland dahil sa pagpayag na makapasok sa kanilang bansa ang mga pinoy na umalis mula sa Ukraine.
Tiniyak ng Malakanyang na tutulungan ng pamahalaan ang mga pinoy sa Ukraine na nagnanais makauwi sa Pilipinas.
Vic Somintac