Kamara handang makipag-kompromiso sa Senado sa isyu ng ChaCha
Hindi pa rin isinusuko ng Kamara ang Constitutional Convention o Con-Con bilang paraan sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez ang Con-Con ang inaprubahan ng Kamara para sa isinusulong na Charter Change o Cha-Cha.
Pero bukas din aniya ang Kamara na pag-usapan kung ang gusto ng Senado ay Constituent Assembly o Con-Ass.
Dagdag pa ng Speaker na isusumite sa plenaryo para pagdebatehan ng mga Kongresista ang proposal ng Senado sa Con-Ass.
Reaksiyon ito ni Romualdez matapos sabihin ni Congressman Richard Gomez ang posisyon ng Senado.
Sa impormasyon ni Gomez payag umano ang Senado na mag Cha-Cha kung tungkol lamang sa economic provision ang aamyendahan pero sa pamamagitan ng Con-Ass at hindi Con-Con.
Pinasalamatan ni Romualdez sina Congressman Gomez at Senador Robinhood Padilla sa pagsisikap na magkaroon ng mutual agreement sa pagitan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado sa usapin ng pagsusulong ng pag-amyenda sa Saligang Batas.
Vic Somintac