Kamara hinimok na ipasa ang panukala para sa prangkisa ng NEPC
Nanawagan ang mga taga-Bacolod City sa Kamara na sana ay maipasa ang panukala para sa prangkisa ng Negros Electric and Power Corporation (NEPC) bago matamos ang taon.
Ayon kay Bacolod City Mayor Albee Benitez, ito ay para masimulan na agad ang rehabilitasyon sa buong distribution system ng Central Negros Electric Cooperative o CENECO.
Sinabi ni Benitez na isang milestone para sa kanila ang pagpasok ng NEPC na hindi lang reliable at murang kuryente ang iniaalok kundi maging pangangalaga sa kalikasan dahil sa paggamit ng renewable energy sources.
Wala aniyang nakikitang sagabal ang alkalde sa paglipat ng prangkisa ng CENECO sa NEPC lalo at suportado rin ito ng mga residente, lokal na pamahalaan, mga negosyante at iba’t ibang sektor.
Ang Bacolod CIty ay isa sa mga lugar sa Negros na nakakaranas ng palagiang brownout at isa sa may mataas na power rate sa bansa.
Una nang sinabi ni Prime Electric Holding Inc. President Roel Castro na nasa P 2.1 bilyong investment ang plano nilang ilagay sa NEPC.
Madelyn Moratillo