Kamara mag-iimbestiga na rin sa umanoy kurapsiyon sa LTFRB
Pinaiimbestigahan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pumutok na alegasyon ng umanoy kurapsyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ayon kay Congressman Bienvenido Abante naghain na siya ng House Resolution 1381 na inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magdaos ng pagdinig ukol sa mga sinasabing katiwalian sa LTFRB.
Nanawagan din ang kongresista na pansamantalang suspendihin ang Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program habang gumugulong ang imbestigasyon.
Sinabi ng mambabatas dapat na masilip ng Kamara ang mga isyu sa LTFRB upang maisulong din ang angkop na regulasyon sa land-based public transportation at maprotektahan ang kapakanan at interes ng mga Pilipino.
Nais malaman ng Kamara kung ano-ano ang mga totoong problema papaano nang-aabuso ang mga opisyal ng LTFRB o totoo bang mayroong extortion ng pera sa mga transport groups at sino-sino ang mga opisyal na sangkot.
Vic Somintac