Kampo ni Alice Guo, ipinababasura ang quo warranto case laban sa dating alkalde
Kinumpirma ni Solicitor General Menardo Guevarra, na naghain na ng mosyon sa Manila RTC ang mga abogado ni dating Mayor Alice Guo laban sa quo warranto case na isinampa laban sa dating alkalde.
Sinabi ni Guevarra na hiniling ng kampo nito na ibasura ang petition for quo warranto laban kay Guo.
Ayon kay Guevarra, naghain na ang OSG ng oposisyon o komento laban sa mosyon noong August 20 habang nagsagawa ng pagdinig ang korte sa mosyon noong August 30.
Aniya, inaasahang ilalabas ng korte ang ruling sa mosyon ni Guo ngayong buwan.
Ipinaliwanag ni Guevarra na kapag ibinasura ng korte ang hirit ni Guo ay aatasan ito na sagutin ang quo warranto.
Maaari aniyang magpatawag ng mga pagdinig ang korte ukol dito at nasa kampo ni Guo kung haharap ito ng personal sa mga hearing.
Pagkatapos nito ay saka maglalabas ng desisyon sa quo warranto petition.
Inihain ng OSG ang petisyon noong Hulyo para maalis sa puwesto si Guo dahil sa Chinese ito kaya iligal ang pagkakaupo nito sa posisyon.
Moiras Encina-Cruz