Kampo ni Cong. Teves hiniling sa DOJ na ibasura ang murder complaints
Submitted for resolution na ng DOJ panel of prosecutors ang mga reklamong murder laban kay Congressman Arnolfo Teves Jr. sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pang biktima noong Marso sa Pamplona.
Ito ay makaraan ang pagdinig nitong Lunes sa DOJ na dinaluhan ng mga abogado ni Teves at ng iba pang respondents.
Sa pagdinig, sa halip na counter-affidavit ay motion to dismiss ang inihain ng kampo ni Teves sa DOJ.
Kumbinsido ang panig ni Teves na walang probable cause laban dito dahil sa recantation o pagbawi ng 10 akusado sa mga nauna nilang testimonya ukol sa krimen.
Pawang hearsay lang din umano ang mga testimonya na nagdidiin kay Teves bilang utak sa krimen.
Naniniwala naman ang kampo ng biyuda ni Governor Degamo na si Pamplona Mayor Janice Degamo na dapat ay kontra-salaysay ang inihain ni Teves at hindi motion to dismiss.
Sinabi ng Atty. Andrei Bon Tagum, abogado ni Mrs. Degamo na ang hindi pagsusumite ng counter-affidavit ni Teves ay katumbas ng hindi pagsusumite nito ng mga ebidensya laban sa alegasyon.
Dumalo rin sa hearing ang sinasabing chief security sa sugar mill ng mga Teves na si Nigel Lagunay Electona na guwardiyado ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology.
Si Electona ay sinasabing isa sa mga may malaking bahagi sa pagpaplano sa Degamo murder.
Naghain ng kontra-salaysay sa DOJ ang nasabing respondent kung saan itinanggi nito ang mga paratang sa kaniya.
May mga salaysay din itong isinumite mula sa mga testigo ni Electona na itinanim lang umano ang mga ebidensya laban dito ng mga otoridad.
Ayon sa abogado ni Electona na si Atty. Michael Mella na katawa-tawa at malabnaw ang mga paratang laban sa kaniyang kliyente.
Motion to dismiss din ang inihain ng abogado ng umano’y piloto ng helicopter ni Teves na si Captain Lloyd Cruz Garcia II.
Iginiit ng abogado ni Garcia na si Atty. Paris Real na walang ebidensya laban sa kanilang kliyente na ito ang nagpalipad ng helicopter sa araw ng krimen noong March 4 at ilang araw matapos ang insidente.
Inamin ng abogado na wala sa bansa si Garcia.
Pero inaasahan nila na mababasura ang mga reklamo laban dito.
Samantala, kinumpirma naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na inilipat na sa kustodiya ng Bureau of Jail Management ang Penology (BJMP) ang 11 Degamo case accused kabilang ang sinasabing co-mastermind ni Teves na si Marvin Miranda.
Moira Encina